Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naging hakbang nito para sa rehabilitasyon ng Marawi City kabilang ang pagtatatag ng Office of the Presidential Adviser for Marawi Rehabilitation and Development (OPAMRD) sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 78.
Ayon kay Romualdez, ang pagtatayo ng OPAMRD ay isang mahalagang hakbang tungo sa muling pagbangon ng Marawi at sa pagtiyak na maipatutupad ang mga programa para sa kapakanan ng mga apektadong residente ng lungsod.
Kasabay nito, binigyang-diin ng pinuno ng Kamara de Representantes ang mga hakbang na isinagawa ng kanyang kapulungan upang mapabilis ang rehabilitasyon ng Marawi City mula sa pinsalang dulot ng 2017 Marawi siege, kabilang na ang taunang alokasyon sa pambansang badyet ng hindi bababa sa P1 bilyon para sa iba’t ibang proyekto at programa.
Sinabi ni Speaker Romualdez na ang mga pagsisikap ni Pangulong Marcos ay sumasalamin sa matinding dedikasyon ng administrasyon na lutasin ang mga matagal ng isyu na nagpabagal sa tuluyang pagbangon ng Marawi City at mga kalapit nitong komunidad.
Ayon sa lider ng Kamara ang paglikha ng OPAMRD ay isang makabuluhang hakbang upang matiyak na ang mga pagsisikap para sa pagbangon at rehabilitasyon ng Marawi ay hindi lamang mapalalakas kundi mapabibilis at mas magiging maayos.
Ipinunto niya na sa bahagi ng Kamara, ang tiniyak na mula sa simula ng rehabilitasyon ng Marawi ay may sapat na pondo at may mga nakatakdang mekanismo ng pangangasiwa at pagsubaybay.
Sinabi ni Speaker Romualdez na bagamat may mga pag-usad na, patuloy pa rin ang mga hamon, kabilang na ang pagkaantala sa mga pangunahing proyektong pang-imprastruktura, pagbibigay ng permanenteng pabahay, at pagbabalik ng mga kabuhayan.
Ayon sa kaniya, ang pagbuo ng OPAMRD ay naglalayong tugunan ang mga isyung ito sa pamamagitan ng paglikha ng isang centralize authority na magsasama-sama ng mga hakbang ng gobyerno at tinitiyak na ang lahat ng mga programa ay nakaayon sa pangangailangan ng mga apektadong komunidad.
Hinimok din ng pinuno ng Kamara ang pakikilahok ng mga lokal na stakeholder, pribadong sektor, at civil society, na ayon sa kanya ay mahalaga sa ikatatagumpay ng OPAMRD.
Ipinahayag din ni Speaker Romualdez na ang Mababang Kapulungan ay maglalaan ng mga kinakailangang pondo at magpapasa ng mga kaukulang batas upang palakasin ang mga hakbang ng OPAMRD.
Makikipagtulungan din umano ito sa Executive branch at pamunuan ng BARMM upang matiyak na ang programa sa rehabilitasyon ay makakatugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan ng Marawi.