-- Advertisements --

May kaniya-kaniyang diskarte na ang mga pambato ng bansa sa women’s golf sa Tokyo Olympics para malabanan ang init ng panahon.

Inamin nina Bianca Pagdanganan at Yuka Saso na may malaking dalang hamon sa kanilang paglalaro sa Kasumigaseki Country Club ngayong araw ang nasabing init ng panahon.

Tiniyak nila na sila ay hydrated o umiinom parati ng tubig.

Sa kaniyang Instagram naman ay ibinahagi ni Bianca ang isang paraan nito para maibsan ang init, ito ay sa pamamagitan ng paglalagay ng ice pack sa ulo nito.

Tiniyak ng dalawa na kanilang gagawin ang lahat ng makakaya para makakuha ng gintong medalya.

Samantala mismong ang coach ni Saso ang tatayong caddie nito na tutulong sa kaniyang pagsabak sa Olympics.

Ito ay matapos na itinakbo sa pagamutan ang parating kasama nito na si Lionel Matichuk dahil sa heat stroke.

Boluntaryo naman na tatayo si national team coach Miko Alejandro na magiging caddie ni Saso.

Sinabi ni National Golf Association of the Philippines secretary-general Bones Floro na naranasan na rin ng coach nito na maging caddie sa kapwa golfer kaya hindi na ito mahihirapan.

Si Matichuk ay naging caddie ni Saso noong Agosto 2020 na siyang kasama rin niya ng makuha ang US Women’s Open ganon din ang dalawang panalo sa Japan LPGA.