-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umabot sa halos P2-milyon ang kasiraang dulot ng kalamidad sa ekta-ektaryang palayan sa Tulunan, North Cotabato.

Ito ay ayon sa Tulunan Municipal Agriculture Office (MAO) matapos na isinagawa ang crop damage report sa palayan ng halos 2,000 mga magsasaka.

Ayon kay Engr. Arnulfo Villaruz, chief of operations ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) North Cotabato, ang nasabing mga palayan ay pinadapa ng malakas na hangin at nalubog sa tubig baha dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan nitong mga nakalipas na mga araw.

Ang nasabing pinsala ay naitala mula sa 15 mga barangay ng bayan na lubos na apektado.

Napag-alamang nagsagawa ng actual field monitoring and validation ng mga agricultural technologist ng MAO.

Sa ngayon, ayon sa nasabing tanggapan, nagpapatuloy pa kanilang monitoring, masterlisting at validation katuwang ang BLGUs at Farmers Association sa bawat apektadong barangay.

Samantala, maliban sa rice-field, patuloy din ang assessment ng nasabing tanggapan sa mga naitalang danyos sa iba pang high-value crops tulad ng saging.