Aminado si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na malaking dagok ang pagkawala ni Roger Pogoy sa roster ng national team na sasabak sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Ayon kay Cone, isa si Pogoy sa kanilang magagaling na mga shooters at two-way players kaya mahihirapan daw silang makahanap ng kanyang kapalit.
Sa kasalukuyan, hindi pa sila makapagpasya kung papalitan ba nila o hindi ang TNT guard sa final 12-man roster ng Gilas.
“At this point, we are exploring various scenarios before we settled on our response to RR’s exclusion,” wika ni Cone.
Pinayuhan na rin si Pogoy na magpahinga ng ilang linggo, na ibig sabihin ay hindi na ito mapapasama pa sa SEA Games basketball tournamanent na magsisimula na sa Disyembre 4.
“The prognosis is he (Pogoy) will need a couple of weeks before he can return to the court. That unfortunately will eliminate him from the Gilas lineup,” ani Cone.
Maaaring pangalanan ang magiging kahalili ni Pogoy matapos ang gaganaping managers meeting sa bisperas ng basketball competitions.
Kabilang sa mga pinagpipilian sina Greg Slaughter, Art Dela Cruz, at Scottie Thompson na hindi napasama sa cut off.