-- Advertisements --
COVID Mandaue jail

CEBU CITY – Kinumpirma ng Mandaue City local government na isa sa mga nahawaan ng COVID-19 ay ang isang lalaking preso mula sa Mandaue City jail sa lalawigan ng Cebu.

Batay sa report mula sa public information office ng lungsod, isinugod sa pagamutan ang 24-anyos na tinaguriang person deprived of liberty (PDL) sa Vicente Sotto Memorial Medical Center matapos itong makaranas ng dyspnea at edema.

Dahil dito, inihahanda na ng Mandaue City Jail ang listahan ng mga kasamahan ng naturang pasyente sa selda upang isailalim sa swab testing.

Sa isang statement, sinabi ni Department of Health (DOH-7) director Dr. Jaime Bernadas na nagpatupad ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP-7) ng mga hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na virus sa mga selda.

Dagdag pa nito na inihiwalay mula sa karaniwang selda ang mga inmate na “vulnerable” o mga madaling mahawaan ng coronavirus.

Isinailalim na sa disinfection ng city health at City Disaster Office ang compound ng mga preso, pati na rin ang mga lugar na may naitalang confirmed cases.

Batay sa datos ng DOH-7, nasa 397 na ang bilang ng COVID-19 cases sa Central Visayas kung saan 25 na ang gumaling at pumanaw naman ang 10 mga pasyente.