KORONADAL CITY – Hawak na sa ngayon ng mga otoridad ang isang inmate ng South Cotabato Provincial Jail matapos tumakas kaninang umaga habang nasa ward ng South Cotabato Provincial Hospital.
Ito ang kinumpirma ni Lt. Col. Joefel Siason, hepe ng Koronadal City PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Siason, naireport sa kanilang himpilan ang nangyari kaninang umaga sa pagtakas ng bilanggong kinilala kay Regie Grecia, 29 anyos na residente ng Purok Tagumpay, Depita Subd., Koronadal City.
Si Grecia ay may kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Maliban sa nagpositibo ito sa COVID-19 ay may sakit ito na TB.
Napag-alaman na tumakas ang bilanggo mula sa 3rd floor ng provincial hospital at umuwi sa kanilang bahay sa Casa Subdivision, Zone III, Koronadal City ngunit ng puntahan ng mga otoridad ay hindi na ito naabutan pa.
Ayon sa report, sumakay ito ng bus papunta sana ng General Santos upang makipagkita sa kanyang ina ngunit namataan sa terminal sa bayan ng Polomolok at muling inaresto.
Humihingi naman ng kooperasyon ang South Cotabato Provincial Hospital sa mga tauhan ng Provincial Jail para hindi na maulit pa ang pangyayari.