(Update) BACOLOD CITY — Tatlo mula sa apat na bilanggong tumakas mula sa Bacolod Police Station 3 ang kusang sumuko at isa rito ay pinili sa Bombo Radyo Bacolod kagabi.
Unang sumuko sa nasabing police station si Ely Lorence Sazon, 20-anyos ng Purok Mahimulaton, Barangay Banago, dakong alas-5:30 kahapon ng hapon.
Nagtungo naman sa opisina ng Criminal Investigation and Detection Group-Negros Occidental si Sunny Capa, 22, ng parehong barangay mga alas-7:30 ng gabi at agad itong nai-turnover sa Police Station 3.
Sina Sazon at Capa ay magkasamang nahuli sa buy bust operation noong Disyembre 21 sa Bangga Subay, Barangay Banago, kung saan nakuha sa kanila ang P9.1 milyon na iligal na droga.
Samantala, sumuko si Michael Peñoso, 24, ng Purok Sigay, Barangay 2 sa pamamagitan ng Bombo Radyo Bacolod.
Una rito, dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo ang pamilya ni Peñoso dahil ayaw nitong sumuko sa mga pulis.
Request daw kasi ng suspek na magpatulong sa Bombo Radyo upang masiguro ang kanyang kaligtasan.
Sa pagtitiyak ni Bacolod City Police Office director Col. Henry Biñas na walang mangyayaring masama sa kanya, pumayag itong sumuko kung saan sinundo siya ng Bombo Radyo News Team at dinala sa istasyon bago sa Police Station 3.
Si Peñoso ay nadakipsa buy bust operation noong Disyembre 1 at mayroon ding kaso na paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa ngayon, si Jeffrey Elangos na lamang ang nananatiling at large na patuloy pang pinaghahanap ng kapulisan.
Si Elangos ay may kaso namang paglabag sa Republic Act 7610 o Anti -Child Abuse Act.
Ang apat ay nakatakas sa custodial facility nga Police Station 3 noong Lunes ng madaling araw.