-- Advertisements --

CEBU CITY – Kinumpirma ng Department of Health (DOH)-7 na pumanaw ang isang 41-anyos na inmate ng Cebu City Jail matapos umanong mahawaan ng COVID-19.

Sa naganap na virtual presser, sinabi ni DOH-7 Medical Officer Dr. Van Philip Baton na nagkaroon umano ang nasabing pasyente ng tuberculosis.

Napag-alamang nagpositibo ang nasabing inmate sa nakamamatay na virus matapos itong isailalim sa swab testing noong weekend.

Samantala, naka-isolate ngayon ang dalawang preso at isang jail officer ng Cebu City Jail matapos itong napabilang sa mga confirmed cases ng coronavirus.

Dagdag pa ni Baton na nagsagawa ang mga health authorities ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng pasyente upang isailalim ito sa testing.

Maalalang nag-lockdown ang nasabing piitan noong Marso kung saan hindi na muna sila tumatanggap ng mga dalaw upang hindi mahawaan ng virus ang mga inmates.

Batay sa datos ng DOH-7, nasa 166 na ang confirmed cases ng COVID-19 sa Cebu City kung saan 15 na ang gumaling at anim ang namatay, kabilang ang naturang preso.