ROXAS CITY – Pinalabas sa Capiz Rehabilitation Center (CRC) at pina-trabaho sa bahay ng prison guard ang isang inmate na hinatulan na mabilanggo ng 12 hanggang 16 na taon dahil sa kasong Homicide.
Ito ang kinumpirma ni Mr. Arjuna Yngcong, Provincial Jail Warden ng CRC ng makapanayam ng Bombo Radyo Roxas.
Sinabi nito, nangyari ang insidente noong Enero 17 kung saan wala ito sa CRC dahil sa importanteng transaksyon na nilakad sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Nakatanggap na lang ito ng impormasyon na di umano’y pinalabas ng prison guard ang inmate at dinala sa kanilang bahay para magtrabaho.
Ito ang nakumpirma matapos makuha sa CCTV footage ang pag-escort ng prison at auxiliary guard sa nasabing inmate palabas sa jail facility at patungo sa direksyon ng bahay ng prison guard.
Kinumpronta naman ni Yngcong ang mga involved na indibidwal kun saan nakakuha ito ng magkaibang bersyon ng kwento.
Una, inamin ng auxiliary guard at inmate na lumabas sila at nagtungo sa bahay ng prison guard habang sa pahayag naman ng prison guard lumabas lamang sila sa CRC upang ipasukat sa inmate ang steel railing sa labas ng pasilidad.
Napag-alaman din ni Yngcong, alam ng kasamahan ng prison guard ang totoong nangyari subalit walang naglakas-loob na magsumbong dahil mataas itong opisyal.
Dagdag pa ni Yngcong, na matuturing na criminal offense ang nangyari lalo na’t pinalabas sa jail facility ang inmate na nakatakdang dalhin sa Muntinlupa.