CEBU CITY – Nakikipag-ugnayan na ngayon ang Police Regice Regional Office (PRO7)Â sa mga otoridad sa National Capital Region (NCR) matapos madiskubreng isang inmate sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang umano’y supplier ng nasa P190 million na illegal drugs na nasabat ng PNP sa isinagawang operasyon kahapon sa lalawigan ng Cebu.
Ayon kay PRO7 director Police Brig. Gen. Debold Sinas, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na ang inmate na si Rustico Ygot umano ang nagpapadala ng mga supply sa kasintahan nitong si Jocelyn Encilla.
Kahit daw nasa loob ng kulungan ay nagagawa umano ni Ygot na makikipag-video call sa kasintahan nito tungkol sa kanilang transaksyon sa iligal na droga.
Namo-monitor din umano ni Ygot ang kanilang negosyo sa Cebu sapagkat napapalibutan umano ng mga CCTV cameras ang bahay ni Encilla kung saan maaari itong ma-view ni Ygot mula sa NBP.
Malaking palaisipan ngayon sa mga pulis kung paano nagkaroon ng acces sa internet ang nasabing inmate.
Samantala, plano rin ngayon ng PRO7 na paimbestigahan sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga ari-ari-an ni Jocelyn.
Ayon kay Sinas, wala umanong maayos na pangkabuhayan ang pamilyang Encilla kung kaya’t kwestyunable kung paano ito nagkaroon ng isang magandang bahay at tatlong high end vehicles.
Una rito, nagkaroon ng magkasunod na operasyon ang mga otoridad sa Cebu kung saan unang nahuli si Elymar Ancajas matapos makuhaan ng 18 kilos ng shabu.
Ikinanta nito si Encilla na umano’y supplier nito kung kaya’t nagkaroon ng follow up operation ang PNP.
Sinasabing kahit nasa loob ng ospital ay nagawa pa rin ni Encilla na makipagtransaksyon sa mga pulis kung saan inutusan nito ang mga magulang na sina Marilyn Encilla, 51, at Marchall Encilla, 60, na mag-deliver ng shabu sa police poseur buyer.
Nakuha rin ng mga otoridad sa pamamahy ng mga Encilla ang nasa 10 kilos ng pinaniniwalaang shabu.