-- Advertisements --

Isinusulong ng AnaKalusugan Party-list na mabigyan ng mataas na sweldo, insentibo at dagdag na mga benepisyo ang mga barangay health workers o BHWs na syang nangunguna sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa bawat barangay.

Ito ay nakapaloob sa House Bill 1829 o Magna Carta for Barangay Health Workers na inihain ni AnaKalusugan Party-list Representative Ray Reyes.

Binigyang diin ni Reyes na katulad ng mga manggagawa ay kailangan ding ipaglaban ang karapatan at kapakanan ng mga Barangay Health Workers kagaya ng ibang professionals sa healthcare sector.

Punto ni Reyes, matagal ng isyu na hindi sapat ang benepisyong nakukuha ng ating mga Barangay Health Workers gayong nararapat silang mabigyan ng karampatang suporta kapalit ng serbisyo na kanilang iniaalay sa ating mga kababayan.

Nakapaloob sa panukala ni Reyes ang mga insentibo para sa mga BHWs sa buong bansa, tulad ng hazard allowance, transportation allowance, subsistence allowance, one-time retirement cash incentive health benefits, insurance coverage, gayundin an bakasyon at maternity leave.

Itinatakda din ng panukala ang pagkakaloob ng oportunidad at pagpapahusay sa kakayahan ng mga BHWs sa pamamagitan ng pagsasailalim sa kanila sa iba’t ibang educational programs at scholarship.

Ayon kay Reyes nararapat lamang na bigyan ng karampatang compensasyon at benepisyo para sa kanilang serbisyo.