-- Advertisements --
Tumaas umano ng 100% ang naitatalang mga cybercrime incidents sa buong bansa sa gitna ng ipinapatupad na enhanced community quarantine.
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) – Cybercrime Division chief Victor Lorenzo, numero uno raw sa kanilang mga nakukuhang reklamo ay phishing.
Paliwanag pa ni Lorenzo, nagpapanggap daw ang mga cybercriminals bilang mga financial institutions kung saan hinihingan nila ng personal na impormasyon ang mga tao online.
Maliban sa phishing, ang paggamit o pag-access daw sa mga kaduda-dudang websites ang ikalawang pinakakaraniwang cybercrime ngayong may ECQ.
Pinayuhan ni Lorenzo ang mga biktima ng cybercrime na i-report ang insidente sa PNP at sa NBI para sa kaukulang dokumentasyon.