Pinaiimbestigahan na ngayon ng liderato ng Philippine National Police ang video ng insidente ng pambubugbog ng anak ng director ng PNP-Highway Patrol Group sa isang trainee ng nasabing hanay ng pulisya.
Ito ay matapos na kumalat ang naturang video na nagpapakita na tila sinusuntok ng isang lalaki ang isa pang lalaki habang nakaluhod ito sa lupa.
Ang lalaking makikitang nananakit sa naturang video ay kinilalang si Police Captain Clifton Gairanod, ang anak ni PBGEN Clifford Gairanod, ang director ng PNP-HPG.
Ayon ay PNP-OIC at Deputy chief for Administration PLTGEN Rhodel Sermonia, ang naturang insidente ay kasalukuyan nang iniimbestigahan ngayon ng Internal Affairs Service ng PNP.
Aniya, hinding-hindi pahihintulutan ng Pambansang Pulisya sa pangunguna ni PNP chief PGen Rodolfo Azurin Jr. ang ganitong uri ng mga insidente sa loob ng hanay ng pulisya partikular na sa heirarchy nito.
Una nang ipinaliwanag ni PBGEN Gairanod na ang pangyayaring nakita sa naturang video ay naganap sa bahagi ng tradisyunal na pinning of riders’ badges ng mga trainee na nakakumpleto na ng kanilang course.
Aniya, ang riders’ badge na ito ay ipi-pin sa dibdib ng mga graduates atsaka sila maglalakad paikot sa alumni ng naturang course at lahat ng instructors ng HPG upang tapikin sa dibdib ang mga ito.
Ngunit sakali aniyang may naganap talagang pagmamalabis dito ay agad nila itong iimbestigahan at bibigyan ng kaukulang kaparusahan.
Dahil pa rin sa naturang insidente agad na nagbitiw sa kaniyang pwesto bilang director ng PNP-HPG si PBGEN Gairanod pagkatapos niyang sibakin sa pwesto ang kaniyang anak.
Aniya, masakit man ito para sa kaniyang kalooban ngunit kailangan niya itong gawin upang maisalalim na ito sa imbestigasyon kasama ang iba pang training team na posibleng sangkot sa naturang pangyayari.