-- Advertisements --

CEBU CITY – Maituturing na umanong “alarming” ang insidente ng sunog nitong lungsod ng Cebu kapag magpatuloy pa rin ang pagtaas ng mga maitatala dito sa mga susunod na mga araw ayon sa Bureau of Fire Protection.

Gayunpaman, inihayag ni Senior Fire Officer 2 Wendell Villanueva, tagapagsalita ng Cebu City Fire Office, na maaari naman umano itong mapigilan sa pamamagitan ng pagiging mapagmatyag at maingat upang maiwasan ang sunog.

Sinabi pa ni Villanueva na pangunahing sanhi ng sunog dito ay ang electrical misuse, overloading, octopus wiring, wire damaged, substandard appliances at maging ang hindi pag unplugged ng mga appliances na hindi naman ginagamit.

Bukod pa rito ay ang mga napabayaan na opos ng sigarilyo, nakasinding kandila/lampara, o di kaya ang mga gamit na posibleng pagmulan ng sunog gaya ng posporo at lighter na maaaring paglaruan ng mga bata.

Base sa datos, aabot sa 50 insidente ng sunog ang kanilang naitala sa loob lamang ng mahigit dalawang buwan ngayong taon na nagkakahalaga ng tinatayang P16 million danyos kumpara sa 329 fire incidents na nagkakahalaga ng P100 milyon na estimated damage sa buong taon noong 2024.

Aniya, inaasahang tataas pa ang mga insidente na may kinalaman sa sunog sa mga susunod na mga araw at buwan.

Samantala, hinimok naman nito ang publiko na makipagtulungan at aktibong makilahok sa kanilang mga kampanya laban sa sunog dahil aniya ang Fire Prevention Month ay isang paalala na hindi dapat ipagsawalang bahala ng mga mamamayan nitong lungsod maging ng buong Pilipinas.