-- Advertisements --

Kinansela na ng Food and Drug Administration (FDA) ang nakatakda sana nitong inspection trip sa Russia matapos magsumite na ang Gamaleya Institute ng mga kinakailangang dokumento para sa aplikasyon sa emergency use authorization (EUA) ng kanilang COVID-19 vaccine na Sputnik V.

Lilipad sana sa Russia ang isang team mula sa FDA para suriin ang manufacturing plant ng Gamaleya para sa kanilang coronavirus vaccine.

Sa mensahe sa Bombo Radyo, sinabi ni FDA Director-General Eric Domingo, kasalukuyan nang nire-review ang nasabing mga dokumento.

Noong Enero nang maghain ng EUA application ang Gamaleya matapos umatras sa kanilang balak na magsagawa ng clinical trial sa bansa.

Una nang sinabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na mag-o-order ang bansa ng 5 hanggang 10-milyong doses ng Sputnik V sa oras na makatanggap na ito ng EUA.

Sa ngayon, aprubado na ng DFA ang mga bakuna ng Pfizer-BioNTech, AstraZeneca, at Sinovac para sa emergency use.