-- Advertisements --
JERRY WEST
Jerry West

Ginawaran ni US President Donald Trump ng Presidential Medal of Freedom ang NBA legend na si Jerry West.

Ang naturang parangal ay ang pinakamataas na ibinibigay sa isang sibilyan sa Amerika.

Iginawad kay West ang pagkilala sa ginanap na seremonyas sa Oval Office sa White House.

Ang 81-anyos na si West ay tinanghal na 1968-69 NBA Finals MVP at dinala ang kanyang team na Los Angeles Lakers ng siyam na beses sa Finals.

Ang Hall of Famer na binansagan ding “Mr. Clutch” ang naging inspirasyon sa kasalukuyang umiiral na logo ng NBA.

jerry west lakers
Jerry West old photo

Sinasabing ang silhouette kay West ang ginawang disenyo sa logo ng NBA na nagsimula noong 1969.

“In the years that followed he was to become a legend and made plays that will be remembered forever. I know many of them,” ani Trump sa award ceremony. “Today, the silhouette of Jerry West is displayed on every uniform, court and basketball in the league.”

Liban sa 14 na seasons sa Lakers, tatlong taon din siyang naging coach bago tuluyang nagretiro at inabot pa ng dalawang dekada bilang executive sa organisasyon.

Sa ngayon si West ay consultant ng Los Angeles Clippers.

NBA logo
The NBA logo

Noong panahon niya nakuha sa draft ang mga naging NBA greats na sina Magic Johnson, Kobe Bryant at Shaquille O’Neal.

Dati rin siyang naging bahagi ng Memphis Grizzlies at Golden State Warriors.

Si West ang ika-11 personalidad na nabigyan ng Presidential Medal of Freedom sa administrasyon ni Trump at ikaanim na atleta.

Dahil sa parangal, napabilang na rin si West sa hanay nina Bob Cousy, Tiger Woods, Roger Staubach, Babe Ruth at Alan Page.

Ang iba pang recipients na ginawaran ni Trump ay sina Supreme Court Justice Antonin Scalia, Senator Orrin Hatch at yumaong si Elvis Presley.

Sa kanyang talumpati nagbiro si West na noong una sa akala raw niya ay biro lamang na tatanggap siya ng ganitong award.

“I swear, my name is going to look like a misprint on this list.”

JERRY WEST TRUMP