-- Advertisements --

Isinailalim sa conservatorship ng Insurance Commission ang Himlayang Pilipino Plans Inc. (HPPI) dahil sa mga isyung kinakasangkutan nito.

Ito ay kasunod ng inilabas na cease and desist order ng komisyon para sa nasabing kumpanya dahil sa hindi nito pagsunod sa mga itinakdang alituntunin ng Insurance Commission upang matugunan ang mga isyung kinasasangkutan nito.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Insurance Commissioner Dennis Funa na bago pa man maglabas ng cease and desist order ang Komisyon sa HPPI ay nagbigay na ito ng sapat na panahon dito upang mabigyan ito ng pagkakataon na sumunod sa mga naturang tagubilin.

Gayunpaman, sa kabila aniya ng mga extension na ipinagkaloob dito ay bigo pa rin ang kumpanya na sumunod dito.

Makikita batay sa 2020 annual statement nito na nasasangkot ang nasabing kumpanya insolvency issues na nagkakahalaga ng P112.30 million, at trust fund deficiencies na may katumbas naman na P184.88 million.

Sa ilalim ng Section 49 ng Pre-Need Code of the Philippines ay nabigyan ng kapangyarihan ang Insurance Commission na ilagay sa conservatorship ang kumpanya sa oras na mapatunayang nananatiling nasa state of continuing inability o hindi ito nagko-comply sa mga hinihinging requirements ng mga kinauukulan.

Ayon sa Insurance Commission ay hiniling din ng HPPI na suspindihin ang direktiba upang mapondohan nito ang mga deficiencies, maging ang widrawal ng mga labis sa trust funds para sa parehong education at pension plans na ni-reject naman nito dahil sa iba’t-ibang mga ligal na konsiderasyon na siya namang naging batayan nito para isyuhan ang kumpanya ng cease and desist order at kalaunan ay isailalim sa conservatorship.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Funa na layon ng Komisyon na muling ibalik ang kakayahang pinansyal ng kumpanya na ang pangunahing layunin ay ang protektahan ang interes ng mga planholder nito dahilan kung bakit nito inilagay sa conservatorship ang naturang insurance company.