-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Kumpiyansa si Pangulong Rodrigo Duterte na magagawa ng gobyerno na matuldukan ang deka-dekada nang insurgency sa buong Eastern Visayas sa mas lalong madaling panahon.

Ito ang naging mensahe ng presidente sa kanyang naging pagbisita sa 8th Infantry Division (ID) sa Camp General Vicente Lukban sa Catbalogan City kahapon upang bigyan ng parangal ang ilang mga sundalong nasugatan at nagbuwis ng buhay para sa bayan.

Ayon sa pangulo, sa pamamagitan ng mga magigiting na sundalo na nagsisilbi sa bayan, positibo siyang matatapos na ang armed conflict na matagal nang problema hindi lang sa rehiyon kundi pati na rin sa ibang mga lugar sa bansa.

Hinikayat din nito ang mga rebelde na magbalik-loob na sa gobyerno at sinigurong makakatanggap ang mga ito ng mga benepisyo mula sa enhance comprehensive livelihood program o E-CLIP.

Siniguro pa nito sa mga kasundaluhan sa 8th ID na hindi magkukulang ng suporta ang gobyerno para sa kanilang pagtupad ng kanilang tungkulin sa bayan at pagprotekta sa mga mamamayan.

Nabatid na kasama rin ng pangulo sa kanyang pagbisita sina National Defense Secretary Delfin Lorenzana, ilang opisyal ng Armed Forces of the Philippines, dating Special Asst. to the President Bong Go, at House speaker aspirant na si Congressman-elect Ferdinand Martin Romualdez.