Nananatiling punterya ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang insurhensiya sa Pilipinas sa kabila ng paghina ng armed wing ng teroristang grupo na New People’s Army (NPA).
Ayon kay NICA Deputy Director General for Special Concerns Abelardo Villacorta kabilang pa rin sa kanilang prayoridad ang pangangalap ng mahahalagang impormasyon sa mga nagpapatuloy na mga aktibidad ng komunistang grupo gaya ng recruitment sa mga estudyante at sektor ng kabataan.
Aniya, ang kanilang ahensiya bilang pinuno ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict’s (NTF-ELCAC) Situational Awareness and Knowledge Management Cluster ay nakatuon sa pagsubaybay sa mga pagtatangkang ito ng mga komunista na akitin ang mga kabataan na humawak ng armas laban sa gobyerno.
Dagdag pa ng opisyal na marami na ngayong mga magulang ang nakikipagtulungan sa NICA para pigilan ang recruitment activities ng mga komunista na napakalaki umanong tulong.
Sa pinakahuling impormasyon mula sa militar, bumaba na sa 11 ang bilang ng mga guerrilla fronts ng NPA sa bansa.