Nagbanta si Muntinlipa City Rep. Ruffy Biazon hinggil sa posibilidad na masira ang integridad ng Kamara dahil sa mga lumutang na isyu ukol sa vote buying para sa House Speakership.
Ayon kay Biazon, tiyak na madudungisan ng kontrobersya ang mababang kapulungan, gayundin ang imahe ng susunod na lider nito.
Iispin daw kasi ng publiko na pera-pera na lang ang labanan sa pagiging pinuno ng Lower House, pati na ang mga mambabatas na mapapatunayang ipinagbili ang kanilalng mga boto.
Giit ni Biazon, hindi patas na mabigyan ng lamat ang proseso sa paghalalan ng susunod na lider ng mababang kapulungan.
Sa kabila nito, nilinaw ng mambabatas na kailanman ay hindi ito nakatanggap ng bag money kapalit ng boto sa speakership.
Kung maalala, isiniwalat ni Davao Del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na may ilan mula sa kanyang mga kapwa aspirant sa pagka-House Speaker ang naglabas na ng pera sa panliligaw.
Sa hiwalay na panayam itinanggi ng inaakusahan na si Marinduque Representative Lord Allan Velasco na siya ang namudmod ng milyun-milyong piso para sa speakership.
Bukod kina Alvarez at Velasco, ilan pa sa mga pangalang lumutang na tatakbo para sa liderato ng Kamara ay sina Martin Romualdez, Dong Gonzales, Joel Almario, Paolo Duterte, Alan Peter Cayetano at Loren Legarda.