-- Advertisements --

Uumpisahan na umano ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang isang regional adjudication system na beberipika kung konektado ba talaga sa kalakaran ng iligal na droga ang isang pulitiko.

Sa isang press conference, sinabi ni Wilkins Villanueva, director-general ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ito raw ay upang ma-validate na agad ang mga pulitiko kung may kaugnayan ang mga ito sa drug trade bago pa man ang eleksyon sa 2022.

Nang matanong si Villanueva kung ilan ang mga narco-politicians ang nasa drug list, inihayag nito na marami pa ngunit hindi pa nito hawak ang datos.

“‘Yung mga narcopolitician talagang kung titingnan mo ngayon, kung dati ay naglalaro sila, ngayon talagang stop. We are working on the regional adjudication system, kami lahat ng intelligence community, down to the regional level para mag-adjudicate. Ngayon pa lang mag-adjudicate na sila ng lahat ng persons na nakalagay sa listahan,” wika ni Villanueva.

Noong 2019 midterm elections, sinabi ng PDEA na 25 sa 36 narco-politicians na tumakbo sa halalan ang nagwagi.

Kabilang dito ang 18 kandidato sa pagka-mayor; tatlo sa pagka-vice mayor; dalawa sa pagka-congressman; isa sa pagka-bise gobernador; at isa sa pagka-konsehal.