Mahigpit ang ginagawang pagmamanman ngayon ng Philippine National Police (PNP)- Intelligence Group (IG) ang mga grupong posibleng magsagawa ng pananabotahe sa darating na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 23.
Kinumpirma ni PNP-IG chief Dir. Gregorio Pimentel na lahat ng mga grupo na maaaring manabotahe sa SONA ng Pangulo ay kanilang binabantayan.
Binigyang-diin ni Pimentel na lahat ng posibleng banta ay kanilang mino-monitor, kabilang na ang teroristang grupo at iba pang mga criminal groups.
Sa ngayon, wala naman daw silang namo-monitor na anumang banta sa SONA ng pangulo.
Una nang sinabi ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pamumuno ni C/Supt. Guillermo Eleazar na nasa 7,000 na mga pulis ang ipapakalat sa SONA.
Nakahanda rin ang kanilang CDM team na haharap sa mga militanteng grupo na magsasagawa ng kilos protesta.