Lalo pa umanong paiigtingin ng PNP ang kanilang intelligence monitoring kasunod ng napaulat na may 10 Indonesian terrorists umano ang nakapasok sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP Spokesperson C/Supt. John Bulalacao, kaniyang sinabi na hanggang sa ngayon, wala pa silang natanggap na impormasyon ukol dito.
Sinabi ni Bulalacao na gagawin ng PNP ang lahat tulad ng pakikipagtulungan sa AFP para matunton ang mga nasabing banyagang terorista.
Pero sa ngayon, nasa validation process pa lamang umano sila kaugnay sa nasabing report.
Nilinaw din ni Bulalacao na wala din siyang impormasyon kaugnay sa pagkakaaresto sa umano’y isa sa 10 mga Indonesian terrorists na nakilalang si Mushalah Somina Rasim alyas Abu Omar na naaresto ng mga security forces noong March 10 sa Palimbang, Sultan Kudarat at nagre-recruit pa raw ng panibagong mga miyembro.
Giit ng opisyal na importante ang tulong ng komunidad sa pagtukoy sa mga hinihinalaang terorista.
“Hindi magbibigay ng buhay sa mga kabataan ang sumapi sa grupong ito ang suggestion ko sa mga kabataan ituon na lang ang kanilang pansin sa pagaaral upang maging maganda ang kanilang buhay pagdating ng panahon,” mensahe ni Bulalacao.