-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Sugatan ang isang pulis sa pananambang ng mga armadong kalalakihan dakong alas 6:05 nito Miyerkules ng gabi sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Sergeant (SGT) Abejay Dandan,nakatalaga sa Regional Intelligence Division ng PNP-12 at residente ng Brgy Kibudtungan Carmen North Cotabato.

Ayon kay Lieutenant Colonel Bernard Tayong ang tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office na habang lulan ang biktima sa kanyang sasakyan pauwi na ng kanyang tahanan ngunit pagsapit nito sa Brgy Kitulaan sa bayan ng Carmen ay bigla itong pinaputukan ng mga hindi kilalang suspek gamit ang M16 armalite rifles.

Kahit sugatan si Sgt Dandan ay nagawa pa nitong patakbuhin ang kanyang sasakyan patungong Carmen Municipal Hospital.

Dahil sa malubhang tama ng bala sa ibat-ibang parte ng katawan ng pulis ay agad itong inilipat sa isang pagamutan sa Kidapawan City.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Cotabato PNP sa pagkakilanlan ng mga suspek at motibo sa pananambang.