-- Advertisements --

Ibinunyag ng dating Police official sa House Quad Committee na dinedma ng Duterte administration at ng dating PNP Chief Ronald Dela Rosa ang intelligence report hinggil sa involvement ni dating presidential adviser Michael Yang at ng negosyanteng si Allan Lim sa operasyon umano sa illegal drugs.

Sa pagharap ni Col. Eduardo Acierto sa Komite pinatotohanan nito na talagang may shabu laboratory na nag-ooperate sa bansa.

Tinukoy niya ang shabu lab sa Antipolo, sa Mandaue sa Cebu at Davao City.

Ang kaniyang report na tumutukoy sa involvement ng dalawang personalidad na malapit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nabuo nuong 2017.

Sinabi ni Acierto kaniyang isinumite ang intel report kay dating PNP Chief Ronald Dela Rosa subalit walang nangyari sa kaniyang report.

“ Siya po ang chief PNP noon, pero hindi niya ko kinausap ni minsan tungkol sa report ko. Ang kinausap niya si Allan Lim,” pahayag ni Acierto.

Inilapit din niya ito kay dating PNP Chief Oscar Albayalde subalit wala din nangyari sa report.

Ibinunyag din ni Acierto na isa sa kasamahan niya na gumawa ng report ay dinukot, hanggang ngayon nawawala at ang isa ay binaril, namatay,” dagdag pa ni Acierto. 

Giit ng dating police colonel na walang ginawa ang gobyerno sa kaniyang report at dahil hindi ma-dispute ang kaniyang ulat, humantong na sa punto na siya ay siniraan at maging ang kaniyang team.

Kinumpirma din ni Acierto na nagbigay din siya ng ulat kay dating PDEA Director General Aaron Aquino at sinabihan siya na isusumite niya ito sa Malakanyang.