LEGAZPI CITY – Hindi mangingiming magtanggal ng mga police scalawags sa hanay ng kapulisan upang maliit pa lamang na problema, agaran nang maaksyunan.
Muling binigyang-diin ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang kaniyang direktiba sa intensive cleanliness policy na sakop ang kalinisan sa mga tanggapan, ranggo at komunidad kasabay ng command visit sa Camp Gen. Simeon G. Ola sa Legazpi City.
Aniya, lumawak pa ang daan para sa mas maraming kwalipikado na maging pulis dahil sa pagbawas ng 2 inches sa height requirement ng organisasyon.
Sa recruitment pa lamang umano hanggang sa promotion, “the best” at “qualified” ang bibigyang-tuon at tatablahin ang mga hindi dumaan sa tamang proseso o nagpaalalay sa “padrino system”.
Iniimbestigahan na rin aniya ang mga natanggap na reklamo sa e-Sumbong patungkol sa korapsyon sa mga Regional Training Center sa bansa.
Pinuri naman ni Eleazar ang Daraga Municipal Police Station sa kalinisan sa loob at labas nang tanggapan na sumasalamin umano ng “very good” na standard sa rehiyon matapos ang “surprise visit” kahapon.
Pinangunahan din ng PNP chief ang paggawad ng Medalya ng Kagalingan sa mga exemplary PNP personnel, oath-taking ng officers sa iba’t ibang advocacy support groups at multipliers, turnover ng restored mobile patrol car at mga bagong ICT equipment sa mga police units bilang pamalit sa mga nasira ng Bagyong Quinta at Rolly na nanalasa sa rehiyon noong 2020.