Bumuo na ng isang Inter-agency Task Force para ma-contain ang tumagas na langis sa Lamao Point sa bayan ng Limay sa lalawigan ng Bataan.
Ito ang kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. sa kaniyang pangunguna sa pagpupulong ng joint NDRRMC- Regional Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Lunes sa San Fernando city, Pampanga.
Ayon sa kalihim, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng concerned agencies ng pamahalaan para magbigay ng kailangang suporta para sa mga apektadong lokal na pamahalaan gamit ang mga aral mula sa mga karanasan noon sa oil spill na nangyari sa Oriental Mindoro.
Binubuo ang naturang task force ng DILG, Office of Civil Defense (OCD), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health, Department of Transportation, Department of Science and Technology at iba pang mga ahensiya ng gobyerno.
Kabalikat din ang mga provincial government units ng Bataan at Bulacan gayundin ang pamahalaang lungsod ng Parañaque, Las Piñas, Pasay, Manila, Navotas, at lalawigan ng Cavite.
Tiniyak naman ni Sec. Abalos ang pagsasagawa ng IATF ng mga konkretong aksiyon at magbibigay ng regular reports para ma-update ang publiko sa estado ng paglilinis at pag-contain sa tumagas na langis.
Samantala, sa parehong joint meeting, sinabi ni Bataan Governor Jose Enrique Garcia na mula sa 24 na tangke ng industrial fuel oil ng MT Terra Nova, nasa 14 na ang naselyuhan habang 10 pa na kailangang makuha ng Salvor team na Harbor Star na nagdeploy na ng 2 vessels para isagawa ang salvaging operations.
Samantala, sinabi din ng Gobernador na posibleng abutin ng hanggang 2 linggo bago matapos ang salvaging operations sa isa pang motor tanker na Jason Bradley na lumubog naman sa Mariveles Bataan. Ang naturang motor tanker ay naglalaman ng 5,500 litro ng diesel bago nangyari ang insidente noong araw ng Sabado.
Habang sa lumubog naman na MT Terra Nova, inaasahang matatapos sa loob ng 10 araw o isang linggo ang siphoning sa langis at tuluyan ng maiahon ang motor tanker.