-- Advertisements --

Pinangunahan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang muling pagpupulong ng mga miyembro ng Inter-agency Task Force na unang binuo para planuhin ang maayos na hosting ng Pilipinas sa 2025 International Volleyball Federation (FIVB).

Ang naturang TF ay binubuo ng 20 kinatawan mula sa government at private agencies sa pangunguna nina PSC chairman Richard Bachmann at Philippine National Volleyball Federation president Ramon “Tats” Suzara.

Ayon kay Suzara, nananatiling maayos ang lahat ng preparasyon at sumusunod sa timeline na inilatag ng grupo.

Tiniyak naman ni Bachman ang buong suporta ng pamahalaan upang maabot ang isang ‘world-class’ event.

Kabilang sa mga pinaplantsa ay ang sector ng transportasyon para sa mga contingent at bisita mula sa iba’t-ibang bansa, komunikasyon, at ang epekto nito sa turismo.

Nakatakda ang international sporting event mula September 12 hanggang September 28 kung saan ang National Capital Region (NCR) ang magsisilbing pangunahing venue.

Kabilang sa mga ahensiyang kasama sa malawakang preparasyon ay ang Metropolitan Manila Development Authority, Department of Tourism, National Intelligence Coordinating Committee, mga lokal na pamahalaan, atbpa.