Bubuksan na muli ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga ruta ng provincial bus para sa mga inter-regional na biyahe.
Nakasaad sa inilabas ng LTFRB na Memorandum Circular No. 2022-023, na lahat ng mga public utility bus operators na mayroong valid Certificate of Public Convenience (CPC), Provisional Authority (PA), at Special Permits ay papahintulutang makapag-operate at gumamit ng designated end-point terminals patungo at palabas ng Metro Manila.
Dahil dito ay papayagan nang muli ang provincial commuter routes na magmumula sa CALABARZON sa orihinal na terminal nito sa Araneta Bus Terminal sa Cubao via C5.
Pwede na rin na magbaba ng pasahero ang mga provincial bus mula Region 1, 2 at Cordillera Administrative Region (CAR) sa North Luzon Express Terminal (NLET) kung saan nakatalaga ang mga city bus na magdadala sa mga ito patungong Metro Manila.
Ang mga provincial buses naman na magmumula sa Region 3 ay maaari nang magsakay at magbaba ng mga pasahero sa mga terminal tulad ng Araneta Center Cubao at NLET depende sa ruta ng authorized unit nito.
Sa Santa Rosa Integrated Terminal (SRIT) naman pwedeng sumakay at bumaba ang mga pasaherong nanggaling sa Visayas at Mindanao na papuntang Metro Manila .
Samantala, pinaalalahanan naman ng LTFRB ang lahat ng mga PUB operator na kinakailangan na makapag-secure ang mga ito ng QR Code sa bawat authorized unit na kanilang minamaneho bago ang operasyon.
Maaari ring i-download ang naturang QR code sa online website ng LTFRB.