Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bitbit niya ang interes ng Pilipinas, kahit magsisilbi siyang kinatawan ng Asian countries sa pagdalo sa Brussels, Belgium.
Idaraos kasi doon ang Association of Southeast Asian Nation-European Union (ASEAN-EU) Commemorative Summit mula December 12-14, 2022.
Ganap na alas-8:00 ng gabi nang tumulak ang pangulo, kasama ang deligasyon ng Pilipinas para sa nasabing event.
Sa kaniyang pre-departure speech sa Villamor Airbase, sinabi ng pangulo na pagkakataon ito para maisulong ang economic interest ng Pilipinas.
Isusulong din umano niya ang post-pandemic economic recovery, trade, maritime cooperation at climate action.
Si Pangulong Marcos ay inaasahang magbibigay ng closing remarks sa nasabing business summit.
Bukod pa sa pagdalo sa ASEAN-EU business summit, mayroon din siyang courtesy call kay King Philippe ng Belgium.
Magkakaroon naman ng bilateral talks si Pangulong Marcos sa iba pang heads of state kagaya ng Estonia, Czech Republic, Spain, Denmark, Germany, Poland, Finland, the Netherlands at European Union.
Haharap din siya sa Filipino community, kung saan mahigit sa 5,000 Pinoy workers ang nakabase doon.