VIGAN CITY – Pinaaalis umano sa puwesto ng dating national president ng Philippine Councilors’ League (PCL) ang mga interim officials ng nasabing liga dahil sa failure of elections noong isang araw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson na nagpadala na ito ng mensahe kay Davao City Councilor Danilo Dayanghirang upang bakantehin nito ang kaniyang puwesto bilang interim president gayundin ang iba pang kasama nitong interim officials.
Ito’y hangga’t walang eleksyon ng mga bagong opisyal ng liga ang magaganap.
Inakusahan din nito si Dayanghirang ng pandaraya dahil naniniwala itong minanipula ng kampo ng city councilor ang mga makinang gagamitin sana sa eleksyon upang pangalan lamang nito ang lumabas kahit na pangalan ng kaniyang katunggali ang iboto ng mga kasamahan nito.
Dagdag ni Chavit, kung ito ang tatanungin ay gugustuhin nitong itinuloy na lamang sana ang PCL national elections kahit manual procedures pa ang ginawa upang hindi sana nasayang ang pagpunta ng mga councilor mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Naniniwala ang dating PCL president na mahihirapan na naman ang liga na mag-convene ng panibagong national elections dahil sa nangyaring aberya.