Inanunsyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na nagnegatibo na ito sa coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Año, nakumpirma niya raw ang development matapos makuha ang resulta ng kanyang ikalawang COVID-19 test ngayong araw mula sa Research Institute for tropical Medicine (RITM).
Gayunman, inabisuhan pa rin daw ang kalihim na manatili pa rin sa quarantine ng karagdagang isang linggo.
Sasailalim pa rin aniya siya sa confirmatory test sa darating na Abril 22.
Sa kabila nito, masaya raw ang kalihim na cleared na siya sa deadly virus at handa na rin daw itong magbalik sa trabaho.
Bukas din umano si Año na mag-donate ng plasma sakaling aprubahan ng mga medical experts.
Noong Marso 31 nang ianunsyo ng opisyal na positibo ito sa COVID-19, kahit na wala raw itong ipinakitang anumang sintomas.