-- Advertisements --
ABALOS

Muling nagpositibo sa sakit na COVID-19 si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. batay sa naging resulta ng kaniyang pinakahuling RT-PCR test kagabi bilang requirement sa pulong na kaniya sanang dadaluhan sa Malakanyang.

Kinumpirma ito ng kalihim sa isang pahayag kasabay ng pagbabahagi na kasalukuyan aniya siyang naka-isolate at naka-work from home habang nagpapagaling.

Sa naturang pahayag ay sinabi rin ni Abalos na inatasan na niya ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng contact tracing measures upang malaman kung sinu-sino ang kaniyang mga naging direct contact, kabilang na aniya ang mga indibidwal na kaniyang nakasama sa isang press conference sa Camp Crame noong Linggo, October 9, 2022.

Bukod dito ay umapela rin siya sa lahat ng kaniyang nakasalamuha sa nakalipas na dalawang araw na i-monitor ng mga ito ang kanilang sarili.

Pinayuhan din niya ang mga ito na agad na sumailalim sa mga pagsusuri at self-quarantine sakaling makaramdam ang mga ito ng anumang sintomas ng COVID-19.

Samantala, sa kabilang banda naman ay muling binigyang-diin ni Abalos ang kaniyang pagpapasalamat dahil sa kaniyang booster shot kasabay ng paglilinaw na siya ay asymptomatic at nasa maayos na kalagayan.

Patuloy din niyang hinihimok ang publiko na magpabakuna na kontra COVID-19 bilang dadag na proteksyon sa kanilang sariling kalusugan at buong pamilya.

Kung matataandaan, July 2020 unang tinamaan ng sakit na COVID-19 si Abalos at ito na ang ikalawang pagkakataon na nagpositibo siya sa nasabing virus.