“Banggain ng direkta ang problema”, ito ang nakikitang pinaka-malakas na formula ni PNP chief PDGen. Ronald Dela Rosa patungkol sa kampanya nila sa internal cleansing.
Ayon kay PNP chief lahat ng paraan ay kanila ng ginawa para magbago ang mga tiwaling pulis pero tuloy pa rin ang mga ito sa kanilang mga masasamang gawain.
Dagdag pa nito na hindi na madadala sa pangongonsensiya ang mga police scalawags.
Aniya, sa pamamagitang ng “hitting the problem head on” mabibigyan ng leksiyon ang mga pulis.
Aniya, kapag nangongtong ang mga pulis at may complaint agad na magsagawa ng entrapment operation ang Counter Intelligence Task Force (CITF).
Kapag sakit sa ulo ang nasabing pulis, hulihin ito, sampahan ng kasong administratibo at tanggalin sa serbisyo.
Sa ngayon, hindi na gaano kalaki ang problema sa mga tiwaling pulis kumpara sa mga nakalipas na taon dahil nararamdaman na ng mga ito na talagang seryoso ang PNP leadership para linisin ang kanilang hanay ng mga pasaway na pulis.
Aminado si Dela Rosa na isa sa mga unfinished business na nais patapusin sa kaniya ni Pang Rodrigo Duterte ay ang problema sa internal cleansing, drugs, terrorism at insurgency sa mga NPA.
Samantala, tiwala si Dela Rosa na nasa tamang direksiyon ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga, kung saan nagiging mas maingat sila ngayon para maiwasan na magkakaroon ng casualties.
“One of the businesses is internal cleansing talaga. Alam nya kung gaano kaproblema yung disiplina ng pulis kaya patutukan nya talaga ang internal cleansing and drugs, ganun pa rin, terrorism at insurgency ng mga npa. Yun ang mga remaining issues na gusto nya talagang mabigyan ng pansin,” wika ni Dela Rosa.
Binigyang-diin ni PNP chief na lahat ng kaso kaugnay sa kampanya sa illegal drugs ay kanilang iniimbestigahan.
Wala namang nakikitang pagkukulang si PNP chief sa kanilang isinasagawang imbestigasyon at hindi nila ito pwedeng madaliin.
Mas mabuting matagal ang imbestigasyon basta sigurado ang mga impormasyon.