-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Inaasahang madagdagan pa ang international flights sa Kalibo International Airport bilang isa sa mga gateway ng mga dayuhang turista papuntang isla ng Boracay.

Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Aklan manager Engr. John William Fuerte, simula sa Abril 20, 2023 ay papasok ang Philippine Airlines mula sa Incheon, South Korea papunta sa Kalibo International Airport vice versa na may daily flights dakong alas-11:30 ng umaga.

Ito ay maliban pa sa T’way Air, Air Seoul at Tiger Air na may kasalukuyan nang biyahe mula sa Incheon Airport papunta sa nasabing paliparan.

Dagdag pa ni Engr. Fuerte na magkakaroon din ng direct flight simula sa Abril 26 ang OK Air mula sa Changsha, China na may tatlong flights bawat linggo.

Sa buwan naman ng Hunyo ay muling babalik ang flight ng AirAsia sa China at Taipei, Taiwan.

Sa ganitong paraan aniya ay unti-unti nang babalik ang mga Chinese tourist sa Boracay na sila ang nangunguna sa tourist arrivals bago pa man tumama ang Covid 19 pandemic.

Samantala, halos fully-booked ang mga airlines nitong nakaraang mga araw.

Sa katunayan aniya ay may isang airline company na nagpalit ng mas malaking aircraft na imbes airbus 320 ay gumamit ito ng airbus 321 upang ma-accommodate ang 175 hanggang 180 na pasahero.

Tiniyak din ni Engr. Fuerte na mahigpit ang kanilang pagbabantay sa paliparan hanggang sa matapos ang summer season upang masiguro ang kaligtasan ng mga byahero na dadaan sa Kalibo International Aiport.