-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Namahagi ng tulong kahapon ang United Nations Higher Commissioner for Refugees o UNCHR at Community and Family Services International o CFSI ng core relief items sa mga residente ng mga barangay sa Pigcawayan, Cotabato na sa sakop na ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao – Special Geographic Development Authority o BARMM-SGDA.

Ayon kay Pigcawayan BARMM-SGDA Area Coordinator Datu Ibrahim Rahman, libu-libong residente sa 12 barangay sa nabanggit na bayan kabilang ang Brgy. Balacayon, Buricain, Datu Binasing, Datu Mantil, Kadingilan, Libungan-Toretta, Lower Baguer, Upper at Lower Pangangkalan, Matilac, Patot at Simsiman ang nakatanggap ng kumot, banig, trapal at solar panel mula sa naturang International Non-Government Organizations (NGOs).

Dagdag ni Rahman, 4 sa 12 mga nabanggit na barangay ang nalubog sa baha sanhi ng malakas na buhos ng ulan dulot ng nagdaang bagyong Quinta.

Dahil sa kalamidad, ani Rahman, may mga naitala silang mga bata at matatanda na nagkakasakit at may ilang agricultural farms tulad ng palay at mais at mga alagang hayop ang labis na naapektuhan.

Inihayag ni Rahman na bukas palad nilang tatanggapin ang mga Internally Displaced Persons (IDPs) o mga bakwit mula sa mga karatig na barangay, bayan at probinsiya kung sakaling lumala ang sitwasyon.