Tumutulong na rin umano ang iba pang mga international experts sa pagtutok sa aktibidad ng bulkang Taal sa probinsiya ng Batangas.
Inamin ngayon ni Antonia Bornas, chief science research specialist ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), maraming mga dayuhang eksperto tulad na lamang ng USGS at ang iba ay nagmula pa sa iba’t ibang panig ng mundo na nag-aalok ng tulong para sa Pilipinas.
Liban dito, pinagkukumpara rin daw ng Phivolcs ang kanilang pag-aaral sa findings naman ng mga international expert.
Ayon kay Bornas, na isa ring eksperto sa Taal volcano, nagkakaparehas umano ang kanilang assessment at ng mga foreign counterparts.
Anuman aniya ang kanilang desisyon na paglalagay sa Alert Levl 4 sa bulkan ay kaparehas din daw ng mga data at insights ng naturang mga international scientists.
Maging ang US embassy ay sumaklolo na rin sa Phivolcs.
Agad umanong nagpahiram ang Amerika ng infrared camera na malaki aniya ang magiging tulong upang makunan ng mas malinaw ang anumang kakatwang aktibidad ng bulkang Taal.
Nilinaw naman ni Bornas na meron na ring na-order ang Phivolcs na infrared cameras pero hindi pa ito naii-deliver sa bansa.
“Yon pong naisip naming additional monitoring ay sinagest nila, so halos parehas kami ng ideas. Actually marami pong mga international scientists ang nakikipag-usap sa amin, nakikipag-contact po sa amin para mag-alay po ng kanilang expert na tulong. So, behind the scenes sila nakikipag-usap sa atin,” bahagi pa ng paglalahad ni Bornas sa isang press briefing. “Alam naman nila ang volcanic crisis lalo na kapag may kaparehong mga scientists na nagtatrabaho na they are into the same situation or kaparehas at sila mismo ang o-offer ng tulong sa atin. So marami po tayong kinakausap na international scientists para sa mas mapaigting pa po ang ating monitoring at tungkulin sa ating mga kababayan.”