Ipagpapaliban muna ng international singer na si Michael Bolton ang kanyang mga concert dahil sa katatapos lamang na operasyon nito bunsod ng brain tumor.
Sa kanyang online post, ibinunyag ni Bolton na ilang araw bago ang Christmas holidays ay nadiskubre nito na may brain tumor siya na nangangailangan ng agarang operasyon.
Nagpasalamat din ang singer sa lahat ng miyembro ng medical team dahil naging matagumpay umano ang kanyang operasyon pero inamin nito na kailangan niya pang magpagaling at magpahinga hanggang sa susunod na mga buwan.
Ibinahagi niya rin na isa sa pinakamahirap na pakiramdam ang madismaya niya ang kanyang fans pero sinigurado nito na ginagawa niya ang lahat para mas mapabilis ang kanyang paggaling upang makapag-perform ulit sa stage.
Ipinaabot din ni Bolton ang taos-pusong pasasalamat sa mga mensahe ng fans at siniguradong magbibigay ng updates sa mga ito.
Si Michael Bolton ang nagpasikat ng mga awiting To Love Somebody, Go the Distance, at How Am I Supposed to Live Without You.