-- Advertisements --
PBBM new

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isinagawang rollout ng internet para sa mga mag-aaral at guro na nasa mga remote areas.

Ito ay bilang bahagi pa rin ng programa ng pamahalaan na “Broadband ng Masa” para sa mga indibidwal na nakatira sa malalayo ay liblib na lugar na mahirap abutin.

Sa pamamagitan ng “Online Kamustahan” na inorganisa ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ay nakipag-usap ang presidente sa mga estudyante at guro na nagmula sa iba’t-ibang panig ng bansa kabilang na ang Pag-asa Island sa West Philippine Sea.

Aniya, sinasamantala ngayon ng pamahalaan ang maraming makabagong teknolohiyang pwedeng gamitin para makatulong sa taumbayan partikular na sa mga batang mas nangangailangan nito, at gayundin sa pagpapabuti pa ng government services sa bansa.

“Yung mga malalayo, ‘yan ang mas kailangan. Lalo na ‘yung mga bata, para sa kanilang eskwela. Buti na lang, maraming bagong teknolohiya na pwedeng gamitin, na we’re taking full advantage of,” ani Marcos.

Paliwanag ng Office of the Press Secretary at DICT Secretary Ivan John Uy, ang naturang programa ay layuning magbigay ng internet connectivity sa mga geographically isolated at disadvantaged areas (GIDAs) sa buong bansa.

Samantala, kaugnay nito ay nakapagtatag pa ng dagdag na 628 operational free Wi-Fi sites ang “Free Wi-Fi for All program” ng gobyerno, na magdadala sa kabuuang live sites sa 4,757 na lugar sa buong Pilipinas.

Makikita rin sa datos na hindi bababa sa 2.1 million mga Pilipino o may katumbas na 100,000 pamilya ang nabigyan na ng pamahalaan ng access o internet connectivity sa buong kapuluan.