-- Advertisements --

Kasalukuyang pinag-aaralan ng Commission on Elections (COMELEC) kung kakayanin pa bang ituloy sa bansang Myanmar at Thailand ang pagsasagawa ng internet voting kasunod ng 7.7 magnitude na lindol sa lugar.

Ang Myanmar at Thailand ay kasama sa mga makakapag-online voting ngayong eleksyon. Ngunit, dahil sa nangyaring malakas na lindol sa bansa, nangangamba ang poll body na hindi pa maaayos ang mga telecommunication lines sa mga naturang bansa.

Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia gusto pa rin muna nila malaman ang assessment ng embahada at konsulada sa mga apektadong bansa. Dito nila ibabase ang kanilang magiging desisyon sa mangyayaring pagboto sa Myanmar at Thailand.

Pagtitiyak ni COMELEC Chairman Garcia, handa ang poll body kung sakaling kailanganganin na mag-deploy ng mga balota at makina. Aniya, madali lang ang magpa-imprenta ng mga balota para sa bansang Thailand at Myanmar kung kakailanganin.

Kaugnay pa nito nanindigan si COMELEC Chairman Garcia na kailangang magsimula ang voting period ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Abril 13. Hindi ito maaaring maurong na dahil nasa batas na 30 araw dapat ang ilaan para sa overseas voting.

Sa kasalukuyan, nasa 378 overseas registered voters ang nasa Myanmar, samantala, 8,203 registered voters naman sa Thailand.