Isusulong ng Philippine Navy at Philippine National Police (PNP) ang pagpapalakas ng “interoperability” ng kanilang mga pwersang pandagat para mas epektibong mabantayan ang karagatan ng bansa.
Inihayag ni Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio D. Adaci Jr. na ang Philippine Navy at ang Philippine National Police, ay may kapwa interes na pangalagaan ang seguridad sa karagatan ng bansa, kaya mahalagang mapahusay ang kanilang kapabilidad sa pamamagitan ng mas malapitang koordinasyon at kolaborasyon.
Sinang-ayonan naman ito ni PNP Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr. sa pagsabi na ang aktibong pagtutulungan ng Philippine Navy at kanilang organisasyon ay makikita sa police at navy visibility patrols, seaborne patrol operations, at epektibong pagresponde sa pamimirata at iba pang “maritime incidents”.
Kapwa nagpahayag ang dalawang opisyal ng pagnanais na mapalakas ang koordinasyon at information- sharing, edukasyon at pagsasanay, at kolaborasyon sa mga operasyon, intelligence, logistics, community relations, at disaster response ng PNP at Philippine Navy.