-- Advertisements --

Itinuturing na all-in-one package ng mga sundalong Pinoy ang PH-US Balikatan exercises 2019.

Ito ay dahil maraming natutunan mula sa kanilang counterpart lalo na ang paggamit ng mga Amerikano ng kanilang mga makabagong capabilities.

Ang joint PH-US military war games ngayong taon ay nakatutok sa counter terrorism, extremism at territorial defense.

Highlight sa war games ang Combined Arms Live Fire Exercise o CALFEX at Amphibious Landing exercise.

Pinangunahan ng USS WASP na isang multipurpose amphibious assault ship ang amphibious exercise na ginamitan ng air and ground elements na isinagawa sa karagatan ng San Antonio,Zambales, kaharap ng Scarborough Shoal sa West Philippine Sea.

Ayon kay PH-US Balikatan media affairs for the US side 1Lt Tori Sharpe, kakaiba ang amphibious exercise ngayong taon dahil sa malaking vessel ang kalahok.
Nasa 11 Amphibious Assault vehicle ng US ang nagpakitang gilas, kasama ang dalawang Osprey at dalawang Hover crafts.

Sa panig ng AFP, kalahok ang BRP Tarlac, dalawang Augusta Westland helicopter ng Phil Navy at isang OV-10 bomber plane.

Ayon kay Tori malaking tulong sa mga sundalong Pinoy ang kanilang natutunan sa Amphibious exercise lalo na sa Philippine Marines na inaasahan na magkakaroon na ng AAVs na binili ng gobyerno sa South Korea.

Aniya magkakaroon ng sapat na kaalaman ang mga sundalong Marines sa paggamit ng AAVs.

Ipinagmamalaki naman ng mga sundalong Pinoy ang mga natutunan nila sa Combined Arms Live Fire Exercises.

Ipinamalas sa nasabing war games ang pagkakaroon ng coordination and interoperability ng mga sundalong Pinoy at Kano lalo na sa paggamit ng mga makabagong firefighting capabilities.

Ayon kay Lt.Col. Louie Villanueva, Sabak exercise director, sa nasabing exercise kanilang nakita na may pangangailangang magsagawa ng adjustment ang AFP lalo na sa mga gagawing urban operations.

Siniguro ng AFP na mag iiba ang kanilang operational tempo at hindi na maulit ang nangyaring Marawi siege.

Dagdag pa ni Villanueva, layon ng nasabing training ay mapalakas pa ang capability and interoperability ng AFP.

Mahalaga din ang partisipasyon ng mga air assets sa mga operasyon dahil kailangan ang mga ito magbigay suporta sa mga ground forces.
Kaya may mga tactics, techniques and procedures para tumbok sa target ang ipapakawalang bomba.

Ayon naman kay 1Lt Zackary Doherty, na matagumpay ang integration sa pagitan ng mga sundalong Pinoy at Kano lalo na sa mga air and ground troops na ipinakita ang pagkakaisa para matalo ang kanilang target na mga kalaban.