Hindi tagumpay ang intimidating tactics ng China Coast Guard (CCG) 5901 o monster ship ng China ayon sa National Security Council (NSC).
Sa National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) press conference, inihayag ni NSC spokesperson Assistant Director General Jonathan Malaya na layunin ng presensiya ng CCG vessel na nasa katubigan ng PH na takutin ang mga mangingisdang Pilipino subalit bigo aniya ang CCG sa intimidating tactics nito.
Kaugnay nito, hindi aniya sila matitinag sa pagsuporta sa mga Pilipinong mangingisda at hindi titigil sa pag-challenge sa presensiya ng barko ng China sa loob ng PH waters.
Samantala, inihayag din ni Malaya na dinemand na ng PH sa China na i-withdraw ang monster ship mula sa PH waters dahil malinaw aniyang iligal ang presensiya nito sa katubigan ng ating bansa.
Naghain na rin ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng diplomatic protest laban sa presensiya ng monster ship.
Nitong umaga ng Martes, namataan ang monster ship 77 nautical miles (NM) kanluran ng Capones island sa Zambales.
Matapos naman ang minor repair sa BRP Teresa Magbanua, muli itong idineploy kasama ang BRP Gabriela Silang sa lugar kung nasaan ang monster ship para patuloy na i-challenge at itaboy ito palayo sa katubigan ng ating bansa.