-- Advertisements --

Tinawag ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Undersecretary Joel Sy Egco na katawa-tawa ang report ng Committee to Protect Journalist (CPJ) na lumala ang kaso ng panggigipit sa mga mamamahayag sa Pilipinas sa ilalim ng Duterte administration.

Ayon kay Egco, wala pa raw 24 oras nang dumating ang mga taga-CPJ dito sa bansa kayat duda siya sa hindi patas na findings ng mga ito sa kalagayan ng mga journalist dito sa Pilipinas.

Maliwanag umanong pumunta ang mga dayuhan dito sa Pilipinas para dungisan at bigyan ng masamang imahe ang state of press freedom sa bansa base lamang sa naging obserbasyon nila sa ilang media entity.

Kahapon, binatikos ng mga dayuhang journalist ang administrasyong Duterte hinggil sa patuloy umanong intimidation sa mga mamahayag.

Pinangunahan nina Peter Greste, director ng Australia based Alliance for Journalist’ Freedom; Committee to Protrct Journalist Asia Program Coordinator Steven Butler at ang board chairman nilang si Kathleen Carroll.

Bago ang ipinatawag na press conference sa Maynila, nakipagpulong umano ang mga ito sa iba’t ibang grupo ng nga mamamahayag at ilang opisyal ng pamahalaan.

Labis na ikinabahala ng grupo ang patong-patong na kasong kinahaharap ngayon ng Rappler CEO na si Maria Ressa.

Ayon sa mga banyaga, nakababahala ang mga nasabing kaso at naniniwala ang mga ito ay pawang politically motivated lamang.

Sinabi din ng grupo na ilan sa isinumbong sa kanila ng mga mamahayag ay ang red tagging o pag -aakusa sa mga ito na miyembro ng makakaliwang grupo.