-- Advertisements --

Proud ang isang international correspondent ng Bombo Radyo Philippines sa Tennessee, United States of America matapos napabilang ito sa cast ng upcoming thriller film na “Holland, Michigan” kung saan bida ang American-Australian actress na si Nicole Kidman.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dee Donasco Thompson, tubong Guimaras at ngayo’y international opera singer sa Amerika, sinabi nito na sa Nashville, Tennessee mismo ang setting ng naturang large scale production sa ilalim ng direction ni Mimi Cave at mula sa screenplay ng award-winning screenwriter na si Andrew Sodroski.

Ayon kay Thompson, natapos na ang filming para sa kanyang role na siya ring una niyang pagsabak sa isang Hollywood project.

Ibinahagi rin nito na mismo si Kidman ang humikayat sa kanya na mag-apply upang maging bahagi ng pelikula.

Napag-alamang residente rin ng Tennessee ang naturang multi-awarded actress.

Inaabangan sa pelikulang “Holland, Michigan” ang kwento ng isang babaeng nagdududa na niloloko ito ng kanyang asawa hanggang nagkaroon rin ito ng sariling affair bago nito natuklasan ang totoo at nakakagimbal na sikreto ng kanyang kabiyak.