-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nasa pitong international flights na lamang ang lumalapag sa Kalibo International Airport mula sa kabuuang 30 flights bawat araw dahil sa nagpapatuloy na epekto ng Coronavirus Disease o (COVID)-19.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Aklan manager Engr. Eusebio Monserate Jr., na matindi ang naging impact ng COVID-19 kung saan bumaba sa 200 ang bilang ng mga pasahero na nagsisidatingan sa naturang paliparan mula sa dating 1,000 libo bawat araw.

Nananatili pa rin aniya kasi na walang biyahe mula sa Wuhan at Hubei Province sa China, gayundin sa administrative region nito na Hong Kong at Macau dahil sa umiiral na travel ban. Habang ang flights naman papasok at palabas ng Taiwan ay magre-resume pa sa March 1.

Samantala, makakadagdag pa sa pagkalugi ng probinsya sa sektor ng turismo ay sakaling ikonsidera ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang travel ban sa South Korea.

Mayroong average na 10 flights mula sa nasabing bansa at isa ang mga Korean tourist na bumubuhay sa turismo sa Boracay.

Nabatid na pangalawa ang South Korea na may pinakamaraming kaso ng COVID-19 kasunod ng China.

Sa kabuuan, pito na ang nasawi sa Timog Korea dahil sa COVID-19.