Magbabalik na sa darating na Miyerkules, Hulyo 8, ang international flight operations sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Sa pahayag ng Manila International Airport Authority (MIAA), balik-operasyon na ang NAIA Terminal 3 simula alas-12:01 ng madaling-araw ng nasabing petsa.
Kung maaalala, pansamantalang isinara ang nasabing terminal ng paliparan mula noong Marso 28 bilang pag-iingat sa COVID-19 pandemic.
Bunsod nito, ang NAIA Terminal 3 airlines ay ni-relocate sa NAIA Terminal 1 noong Marso.
Sinabi ng MIAA, ibabalik na ang mga ito sa Terminal 3 simula sa Lunes, July 6.
Sa naturang petsa din ay darating at aalis mula sa Terminal 3 ang lahat ng flight ng Nippon Airways (ANA), Air Asia Berhad (AK), Cathay Pacific (CX), Emirates (EK), KLM Royal Dutch Airlines (KLM), Qatar Airways (QR), Singapore Airlines (SQ) at Turkish Airlines (TK).
Sa kabila nito, suspendido pa rin ang international operations ng iba pang airline carriers tulad ng Cebu Pacific, Delta Air, Qantas Airways, at United Airlines.
Samantala, tuloy pa rin ang pagserbisyo ng NAIA Terminal 2 sa international arrival flights ng Philippine Airlines.
Inooperate naman ang PAL international departures sa NAIA Terminal 1, habang “until further notice” pa rin ang pagsasara sa Terminal 4.
Inabisuhan ng MIAA ang publiko na i-check ang airline websites para sa iba pang anunsiyo.