Naglunsad ng kampanya ang isang international human rights organization para sa pag mo-monitor sa darating na national at local elections sa Pilipinas.
Sinabi ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP), sa pamamagitan anila ng International Observer Mission (IOM) ay mababantayan nila ang gaganaping halalan sa bansa mula sa pagsisimula ng campaign period nito bukas, Pebrero 8 hanggang sa mismong araw ng eleksyon sa Mayo 9.
Nangako rin ito na kanilang mahigpit na babantayan ang subsequent counting ng mga balota at ang deklarasyon ng mga resulta ng magiging botohan.
Ayon kay ICHRP Global Council chairperson Peter Murphy, ang IOM binubuo ng mga non-Filipino observers mula sa lahat ng rehiyon sa buong Pilipinas.
Iipunin aniya bilang report ang mga nakolektang datos ng mga ito kada dalawang linggo na siyang ilalathala naman sa media at sa lahat ng interesadong partido ng mga boluntaryong komisyoner na nasa labas ng Pilipinas,
Maglalabas din aniya sila ng final report pagkatapos na mai-anunsyo ang resulta ng eleksyon.
Paliwanag ng grupo, kinakailangan ang naturang monitoring campaign dahil sa paglala ng sitwasyon ng human rights sa bansa sa ilalim ng administrasyong Duterte, maging ang paglawak ng katiwalain at mga naranasang karahasan noong nakaraang halalan.
Samantala, sinabi naman ng journalism professor at Kontra Daya convenor Danilo Arao na papayuhan nila ang IOM ukol sa mga lugar na kinakailangan ng mahigpit na pagsusubaybay na maaaring kabilangan ng mga lugar na itinuturing na hotspot ng eleksyon.