LEGAZPI CITY – Inaalam pa ang kabuuang halaga ng pinsala sa nasunog na malaking warehouse ng abaca sa P-7 Balading, Malinao, Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bureau of Fire Protection Malinao FS/Insp. Melvin Caño, nangyari ang sunog bandang alas-12:30 ng tanghali kahapon nang makatanggap sila ng tawag mula sa mismong empleyado ng Albay Agro-Industrial Development Corporation (ALINDECO).
Kaagad namang rumesponde ang mga otoridad katulong ang mga fire station ng karatig-bayan na Malilipot, Sto. Domingo at Tabaco City.
Tinatayang tumagal ng mahigit tatlong oras bago naideklara na fireout ang sunog.
Isa sa mga tinitingnang anggulo ng pinagmulan ng sunog ay ang mga baga mula sa ginagamit na welding machine na tumalsik sa mga nakatambak na abaca dahil may inaayos umano sa bubong ng warehouse.
Ayon kay Caño, umabot sa mahigit 1,500 square meter na land area ang naapektuhan ng sunog.
Kilala ang ALINDECO na supplier ng mga dekalidad na abaka at iba pang non-wood pulp sheets sa international market partikular na sa Japan.