-- Advertisements --

NAGA CITY – Mahigit 200 kababaihan ang lumahok sa isinagawang “Juana Walk at Juana Dance” sa Lungsod ng Naga kasabay ng selebrasyon ng International Women’s Day ngayong araw.

Kinabibilangan ito ng mga babaeng mula sa Philippine National Police, Philippine Army, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection, at Naga City Natural Family Planning Council.

Nilakad ng mga kababaihan ang ilang pangunahing kalsada sa lungsod at sinundan ng zumba dance sa Plaza Quezon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SPO2 Tobias Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office (NCPO), sinabi nito na kinikilala ng kanilang pamunuan ang kahalagahan ng mga babae hindi lang sa hanay ng pulisya kundi maging sa komunidad.

Kaugnay nito, kinumpirma ng opisyal na off duty o pinagpahinga ng NCPO ang mga babaeng pulis para makapagsama-sama ang mga ito at magkaroon ng team building ngayong araw.

Samantala, magsasagawa ng programa ang Gainza Municipal Police Station para sa mga kakabaihan sa natyurang bayan sa Camarines Sur bukas, Sabado.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PO2 Sarah Mae Romanillos, sinabi nito na ilulunsad nila ang ilang aktibidad na kinabibilangan ng zumba dance, livelihood training program, lecture sa Republic Act 9262 maging sa feminine hygiene, parlor games, beauty care, free legal consultation at self defense.

Layunin aniya nito na mabigyan ng kaalaman ang mga kababaihan sa kanilang komunidad lalong lalo na ang nasa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.